Meralco, tiniyak na mare-refund nang buo ng mga consumers ang sobrang singil sa kuryente ngayong Mayo

 

Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa House Committee on Energy na maibabalik sa mga consumers ang sobrang singil sa bill ng kanilang kuryente ngayong buwan ng Mayo.

Ito ay matapos putaktihin ang Meralco ng reklamo dahil sa biglang pagtaas ng electricity rate bills ng mga consumer.

Sa virtual briefing ng komite, kinuwestyon ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang Meralco kung may kasiguraduhan na makukuha ng mga consumers nang buo ang sobra sa kanilang singil.


Ayon kay Vice President and Meralco Corporate Business Group Head Victor Genuino, ang mga makakapagbayad ng kanilang Meralco bill para sa Mayo ay maaaring ma-refund nang buo ang sobra sa singil sa alinmang Meralco business center.

Bukod dito, pwede ring ma-credit ang bawas sa singil sa kuryente sa susunod na billing cycle sa Hunyo.

Payo naman ng Meralco sa mga hindi pa bayad sa kanilang bill ngayong Mayo, maaari namang hintayin ng mga consumers ang susunod na billing statement at dito ay makikita na ang actual rate at actual electric consumption.

Samantala, nasa 65% pa lamang ang naisasagawang meter reading ng Meralco para sa buwan ng Mayo.

Ikinatwiran pa ng Meralco na ang “bill shock” ay dahil posibleng naipon ang meter reading sa Marso at Abril na naisama sa bills nila ngayong buwan.

Facebook Comments