Mercy flight na may kargang relief supplies, dumating sa Virac, Catanduanes

Dumating sa Virac, Catanduanes kanina ang eroplano ng AirAsia sakay ang 13 tonelada ng mga relief goods mula sa mga pribadong kumpanya.

Partikular na pinamahagi sa mga residenteng sinalanta ng sunud-sunod na bagyo ang mga damit, kumot, bottled water at mga ready-to-eat-food packs.

Sa ngayon, marami pa ring mga bahay sa Catanduanes ang wala pa ring bubong matapos hagupitin ng Bagyong Rolly at Ulysses.


Pasado alas-6:00 kaninang umaga nang umalis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mercy flight ng AirAsia at lumapag sa Virac Airport pasado alas-7:00 ng umaga.

Bukod dito, nagsagawa rin ng fundraising drive ang empleyado ng AirAsia para sa relief goods at sila rin mismo ang nag-repack ng mga donasyon.

Labis naman ang pasasalamat ng mga residente ng Virac lalo na’t nataon ang relief operations ngayong bisperas ng fiesta sa nasabing lugar.

Una na ring pinangunahan ng AirAsia ang relief operations nito katuwang ang iba’t ibang pribadong kumpanya sa nakalipas na dalawang linggo sa Cagayan Valley kung saan libo-libong mga pamilya ang tumanggap din ng maagang pamasko.

Facebook Comments