
Nasermunan ni Senator Raffy Tulfo ang Meta, ang parent company ng Facebook, sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media tungkol sa nagkalat na “fake news” sa social media platforms.
Sa pagdinig ay dumalo ang Public Policy Head for Indonesia and Philippines ng Meta na si Berni Moestafa.
Sinita ni Tulfo kung bakit hindi agad na-take down o inalis ng Meta ang “deepfake” post laban kay Pangulong Bongbong Marcos na noong February 2 pa nag-si-circulate sa social media.
Hindi naiwasang magalit ang senador dahil tahasan itong pambabastos sa Pangulo at hindi nito tinanggap ang paliwanag ng Meta na pinoproseso pa lang ang pag-alis ng post.
Bago ito ay umalma rin si Tulfo sa Meta tungkol naman sa isang fake news na naka-attribute sa kanya laban sa isang politiko na hanggang ngayon ay hindi pa naaaksyunan ng Meta kahit ini-report na niya ito noong una.










