Metro aid na nag-viral sa pambubugbog ng ka-live at anak, sinibak ng MMDA

Sinibak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa trabaho ang isa nilang metro aide na nakuhanan ng video na binubugbog ang kaniyang kinakasama at 11 taong gulang na anak.

Kinilala ang lalaking nasa viral video na si Roel Gatos, isang kontraktwal na manggagawa na naka-assign sa sidewalk and clearing group operations.

Sa inilabas na resolusyon, sinabing tinanggal ng ahensiya si Gatos dulot ng ginawang “disgraceful and immoral act that is conduct prejudicial to the best interest of the MMDA being a public employee.”


Nabatid din ni MMDA chief of staff Michael Salalima na si MMDA Chairman Danilo Lim ang mismong nag-utos na alisin ang tauhan makaraang mapanood ang video ng pananakit nito.

Aniya, labag ito sa kanilang panuntunan sa pagseserbisyo sa taumbayan at nakakasira ng imahe.

Nagpadala rin ang MMDA ng tulong pinansyal at relief goods sa mag-inang biktima, na parehong na-trauma sa pananakit.

Bukod dito, bibigyan ng trabaho ang live-in-partner ni Gatos.

Sa video na kumalat sa Facebook noong Linggo, ginulpi muna ng metro aid ang babae at saka pinagdiskitahan ang lalaking supling na paulit-ulit niyang pinalo ng patpat.

Nagtamo ang dalawa ng mga pasa, sugat, at latay sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Batay sa imbestigasyon, nagalit daw si Gatos dahil sa nawawalang plastic na ginagawang takip sa aquarium.

Labis naman ang pagsisisi ng suspek sa naging aksyon na aminadong naka-inom sa mga oras na ‘yon.

Facebook Comments