Metro Manila at anim pang lugar sa bansa, mananatili sa GCQ hanggang sa November 30!

Mananatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR) hanggang sa November 30.

Ito ang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang recorded public address na ini-ere kaninang umaga kasunod ng pakikipagpulong niya sa Inter-Agency Task Force (IATF) kagabi.

Bukod sa NCR, mananatili rin sa GCQ hanggang sa katapusan ng Nobyembre ang Batangas, Iloilo City, Bacolod City, Tacloban City, Iligan City at Lanao Del Sur.


Binigyang-diin ng Pangulo na may hanggang October 28 ang mga concerned Local Government Unit para maghain ng apela sa IATF kaugnay ng bagong quarantine calssifications.

“Ang gusto ng karamihan, make it a permanent because they have seen the goodness of the result na it has considerably lower the number who are infected by the microb. Palagay ko naman, sa inyo rin naman itong kapakanan,” ani Duterte.

“We are not here to make your life miserable or sad. We are here to make your life comfortable and to make you happy,” dagdag pa ng Pangulo.

Una nang inirekomenda ng Metro Manila mayors na panatilihin ang GCQ status sa NCR hanggang sa katapusan ng 2020.

Kaakibat nito ang pagpapaluwag sa negosyo, pagbiyahe at galaw ng mga tao.

Ang Pilipinas ay nakapagtala na ng kabuuang 371,630 na kaso ng COVID-19 na may 36,333 active cases.

Facebook Comments