Metro Manila at karatig lalawigan, balik GCQ

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na ibalik ang Metro Manila at ilang lalawigan sa General Community Quarantine (GCQ) simula bukas, August 19, 2020.

Layunin nitong maibangon muli ang ekonomiya na pinadapa ng pandemya.

Bukod sa Metro Manila, ibinaba sa GCQ ang Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal.


Sa kaniyang public address, muling nagpaalala si Pangulong Duterte sa publiko na sundin ang minimum health standards.

Sa ilalim ng GCQ, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mas maraming industriya ang bubuksan at magbabalik ang dine-in sa mga restaurant.

Papayagan ang religious services sa 30% capacity.

Dagdag pa ni Roque, ginamit ng pamahalaan ang dalawang linggong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) para i-“refresh” ang pandemic response ng bansa.

Kabilang dito ang pagpapahusay sa testing, tracing at isolation.

Una nang inanunsyo ng Malacañang na ang Nueva Ecija, Batangas, Quezon, Iloilo City, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City at mga bayan ng Minglanilla at Consolacion sa Cebu ay isasailalim sa GCQ hanggang August 31.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Facebook Comments