
Magpapatuloy ang mga pag-ulan matapos itaas ang Orange Rainfall warning sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Cavite, Batangas at Rizal.
Sa ilalim ng Orange Rainfall Warning, inaasahan ang matinding pagbuhos ng ulan sa loob ng susunod na tatlong oras at may banta rin ng pagbaha sa mga mabababang lugar.
Isinailalim naman sa Yellow Rainfall Warning sa Tarlac, Nueva Ecija at Laguna.
Samantala, tatlong low pressure area (LPA) ang binabantayan ng PAGASA kung saan dalawa ang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility habang isa ay nasa labas.
Ayon sa PAGASA, malaki ang tiyansa na maging bagyo sa susunod na dalawampu’t apat na oras ng LPA na huling namataan sa layong 1,140 km silangan ng Central Luzon.
Habang may tiyansa rin na mabuo bilang bagyo ang LPA na nasa Silangan Timog Silangang ng Basco, Batanes maging ang LPA na nasa silangan ng Eastern Visayas.
Inaabisuhan ang publiko na maging alerto, manatiling handa sa posibleng paglikas para sa mga nakatira sa flood-prone at low-lying areas, at manatiling nakaantabay sa ulat sa lagay ng panahon.









