Posibleng bumalik muli ang Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) kapag umabot na sa 85,000 ang kaso ng COVID-19, bago matapos ang kasalukuyang buwan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kapag nagkatotoo ang projection ng University of the Philippines (UP) OCTA Research na umabot sa 85,000 cases na may 2,000 deaths pagsapit ng katapusan ng July ay hindi malabong bumalik sa mas mahigpit na quarantine protocols ang National Capital Region (NCR).
Sa ngayon, base sa datos mula sa Department of Health (DOH) pumalo na sa 72,269 ang confirmed COVID-19 cases sa bansa, kung saan nasa 23,623 ang nakarekober habang 1,843 ang naitalang nasawi.
Makailang beses na ring sinabi ng gobyerno na hindi na natin kakayanin pa ang 2nd wave o 3rd wave ng COVID-19 at ang muling pagsasara ng ekonomiya, pero kung patuloy na tumataas ang kaso at hindi na ito kayang tugunan ng critical health care ay walang choice ang pamahalaan kung hindi ibalik sa mas mahigpit na quarantine status ang Metro Manila.
Kasunod nito, muling naki-usap ang Palasyo sa publiko na sundin ang health safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing, palagiang paghuhugas ng kamay at pananatili lamang sa bahay ng mga vulnerable sector tulad ng buntis, nakatatanda at may mga karamdaman.
Sa pamamagitan aniya ng samut-saring government intervention at kooperasyon ng publiko ay tiyak na mapagtatagumpayan natin ang laban kontra COVID-19.