Metro Manila Council (MMC), bumuo ng resolusyon kaugnay sa diskriminasyon sa COVID-19 patients, frontliners at health workers

Inilabas kahapon ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon kaugnay sa mga napapaulat na kaso ng diskriminasyon laban sa mga health care workers, Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 patients, at mga hinihinalang may impeksyon.

Sa kabila ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon, nag-convene kahapon ang mga miyembro ng MMC sa pamamagitan ng teleconferencing sa pangunguna ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim.

Pinagusapan nila kung papaano nila mabibigayan ng proteksyon ang mga health workers, frontliners at mga pasyente ng COVID-19 laban sa karahasan at diskriminasyon.


Kabilang na rin dito ang Persons Under Investigation (PUI) at Persons Under Monitoring (PUM).

Ayon kay Lim, nilagdaan ng mga alkalde ng Metro Manila ang Resolution No. 20-08, Series of 2020 na nag-oobliga sa mga Legislative Councils ng National Capital Region o NCR na bumuo ng mga ordinansang nagbabawal at nagpaparusa sa mga taong magdi-discriminate sa mga Health Workers, Frontliners, COVID Positive, PUI at PUM.

Nakapaloob din sa nasabing resolusyon ang mga uri ng karahasan o diskriminasyon, ito ay tulad ng libel, slander, physical injuries, dishonor of contractual obligations gaya ng contract of lease o trabaho.

Ang MMC na binubuo ng 17 Metro Manila Mayors at iba’t ibang National Government Agencies, ang governing at policy-making body ng MMDA.

Facebook Comments