Posible nang isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR) pagkatapos ng August 18.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chairman Delfin Lorenzana, tingin niya ay handa na ang NCR para sa mas maluwag na quarantine restrictions.
Aniya, pababa na ang trend ng COVID-19 kung saan kahapon, nasa 3,000 bagong kaso na lang ang naitala kumpara sa nasa 6,000 naitala sa mga nakalipas na araw.
At dahil tukoy na ang mga lugar na may infection, ito na lang aniya ang kanilang tututukan nang sa gayon ay makabalik na sa pagtatrabaho ang iba.
Samantala, wala pang rekomendasyon ang Metro Manila Council kung i-e-extend pa ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa NCR.
Matatandaang dalawang linggong isinailalim sa MECQ ang NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal kasunod ng hiling na “time out” ng mga medical frontliners.