Naniniwala ang isang grupo ng mga doktor na dapat palawigin pa ang Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR).
Sa kabila ito ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Philippine College of Physicians (PCP) President Dr. Maricar Limpin, baka magdulot muli ng pagtaas ng bilang ng kaso ang pagbaba ang restriksiyon.
Aniya pa, solusyon na dapat munang hintayin na umakyat ang bilang ng mga nababakunahan.
Hanggang Oktubre 15 na lang epektibo ang Alert Level 4 sa Kamaynilaan.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na malaki ang tiyansang ibaba ang alert level ng Metro Manila bunsod na rin ng pagbaba ng Intensive Care Unit utilization rate.
Habang tingin din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na handa na ang NCR para sa mas mababang alert level.
Mula Oktubre 4 hanggang 10, bumaba sa 11.7 porsiyento ang positivity rate ng Metro Manila at 1,933 ang average na bilang ng mga bagong kaso.
Malayo na ito sa 25.2 porsiyentong positivity rate at 5,935 average cases noong Setyembre na itinuturing na peak o pinakamataas.
Pero kung ikukumpara ang datos ng Oktubre 4 hanggang 10, mas mataas pa rin ito kaysa noong kalagitnaan ng Hulyo o bago magkaroon ng surge dahil sa Delta variant.
Nitong Martes, nakapagtala ang DOH ng 8,615 bagong kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 2,683,372 kumpirmadong kaso.
Sa bilang na ito, 82,228 ang active cases, ang pinakamababang bilang ng active cases sa loob ng 2 buwan o mula Agosto 11.