Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbaba sa Alert Level 2 mula sa Alert Level 3 ng buong Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, magaganap na ito simula ngayong araw, November 5 hanggang 21, 2021.
Sa ginanap na pulong ng IATF, inaprubahan din ang rekomendasyon na ibase ang alert level assignment ng mga lugar sa datos na pinakamalapit sa petsa ng implementasyon nito.
Dahil dito, simula December 1, ang alert level assignment ng mga lugar ay idideklara na tuwing ika-15 at ika-30 ng bawat buwan.
Samantala, inatasan din sa pulong ang National Task Force Against COVID-19 (NTF) at regional IATF na magsumite ng lingguhang ulat kaugnay sa implementasyon at progreso ng alert level system sa mga piling lugar sa bansa.