Binubuo na ng pamahalaan ang ikatlong bahagi ng National Action Plan (NAP) para sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., nakatuon ang NAP 3 sa pagpapababa ng bilang ng bagong confirmed cases at mga namamatay.
Nakapaloob din dito ang pagpapaluwag sa quarantine status sa National Capital Region (NCR) patungo sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Dagdag pa ni Galvez, ipapatupad ang NAP 3 sa Oktubre hanggang Disyembre 2020.
“The primary focus in the third phase is how we can sustain the gains for the past six months, to bring down the cases to the very minimum level, and at the same time, bring the average deaths back to single digit,” sabi ni Galvez.
Hahanap din sila ng iba pang paraan para mapaigting ang pagpapatupad ng minimum health standards para sa transition ng NCR patungong MGCQ at localization ng NAP pababa sa mga Local Government Unit (LGU).
Magpapatuloy rin ang pagbabalanse sa kaligtasan ng publiko at pagbuhay sa ekonomiya.
Para matagumpay na maipatupad ang NAP Phase 3, plano ng gobyerno na magtayo ng karagdagang testing, treatment at isolation facilities.