Metro Manila, ilalagay na sa GCQ simula June 1 – PRRD

Ibababa na ang National Capital Region simula sa Hunyo 1 sa pinagaang General Community Quarantine (GCQ).

Ito ay sa kabila ng babala ng ilang eksperto na masyado pang maaga para luwagan ang lockdown restrictions na layong mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa Televised Address, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Metro Manila na kasalukuyang nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ay ililipat na sa GCQ kasunod ng rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).


Sinabi rin ni Pangulong Duterte na mananatili ang Davao City sa ilalim ng GCQ, habang ang Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, at lalawigan ng Pangasinan at Albay ay ilalagay na rin sa GCQ.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim naman ng Modified GCQ.

Ang quarantine status ng iba pang lugar sa bansa ay ire-review depende sa kanilang kakayahan na magbigay ng critical healthcare services sa mga suspect, probable, o confirmed COVID-19 cases.

Sa ilalim ng GCQ, papayagan nang magbukas ang karamihan sa mga negosyo at papahintulutan na rin ang ilang porsyento ng manggagawa na makapasok sa kanilang trabaho alinsunod sa itinakdang minimum health standards.

Ang mga leisure establishments tulad ng sinehan, maging ang mga fitness studios ay mananatiling sarado.

Mananatili pa ring ipinagbabawal ang mass gatherings tulad ng movie screenings, concerts, sporting events, at iba pang entertainment activities, community assemblies at iba pang non-essential work gatherings.

Ang religious gatherings ay limitado lamang sa 10 tao.

Ang outdoor non-contact sports at iba pang uri ng exercise tulad ng paglalakad, jogging, running, biking, golf, swimming, tennis, badminton, equestrian, at skateboarding ay papayagan basta nasusunod ang minimum health standards.

Facebook Comments