Naghahanda na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa seguridad at traffic sa Metro Manila para sa parating na Undas.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni MMDA Director for Traffic Enforcement Victor Nuñez na pinagsusumite ng MMDA ang bawat local government unit (LGU) ng traffic plan partikular kung mayroong road closures sa malalaking sementeryo sa kanilang lugar.
Hanggang October 25 aniya ang ibinigay na deadline sa mga LGU at ang MMDA na ang bahalang maglabas ng abiso sa mga motorista.
Ayon kay Nuñez, nitong Biyernes ay nakipagpulong na sila sa pamunuan ng lahat ng traffic heads ng LGUs sa National Capital Region (NCR).
Bukod sa traffic heads ng mga lokal na pamahalaan, kasama rin sa meeting ang Highway Patrol Group at
National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa maayos na koordinasyon.
Aabot aniya sa higit 1,250 na mga tauhan ng MMDA ang ikakalat sa Metro Manila at magpapatupad rin ng no absent policy para matiyak ang augmentation forces sa Undas.