Sinabi ng OCTA Research Group na maaari nang ibababa ang Metro Manila sa Alert Level 1 pagdating ng Marso.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, nasa 4.9% na lamang ang positivity rate ng National Capital Region (NCR) kung saan mas mababa ito sa 5% na rekomendasyon ng World Health Organization (WHO).
Bukod dito ay nasa 25% na lamang aniya ang healthcare utilization at mababa na rin ang Intensive Care Unit (ICU) utilization sa rehiyon kung kaya’t maaari nang ibaba sa Alert Level 1 ang NCR.
Samantala, sinabi rin ng OCTA na 16 sa 17 lungsod sa Metro Manila ay “low risk” na sa COVID-19 kung saan tanging ang lungsod ng Makati na lamang ang nasa “moderate risk” category.
Pinaalalahanan naman ni David ang publiko na posible pa ring magkaroon ng pagtaaas ng kaso kung hindi susundin ang minimum public health standards lalo na sa mga campaign rallies.