Magiging ‘living experiment’ ang Metro Manila habang patuloy na kinokontrol ng pamahalaan ang COVID-19 pandemic.
Ito ang sagot ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos siyang tanungin kung may tiyansang bumalik ang National Capital Region (NCR) sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) o mahigpit na lockdown sa August 1.
Iginiit ni Roque na ang quarantine status sa Metro Manila ay malalaman base sa mga datos ng case doubling time at critical care capacity.
Aminado si Roque na problema na ang critical care capacity dahil halos napupuno na ang mga ospital at Intensive Care Unit (ICU) beds na inilaan para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Sa ngayon, aabot sa 8.9 days ang case doubling rate sa NCR kung saan inaabot ng halos 9 na araw bago dumoble ang kaso ng COVID-19.
Nakatakdang i-anunsyo mamayang gabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine classifications.
Inaasahang lalamanin ng public address ni Pangulong Duterte ang malaking pagbabago sa paraan ng pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.