Malabo pang maibaba ang Metro Manila sa mas pinaluwag na Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Nabatid na ang Metro Manila ang episentro ng COVID-19 outbreak na mayroong case doubling rate na nasa siyam na araw.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang doubling rate ng COVID-19 sa Metro Manila ay kailangang bumagal ng hanggang 28 araw bago makwalipika para sa MGCQ level.
Ibig sabihin, malayo pa ang tatahakin ng kamaynilaan pagdating sa MGCQ.
Bukod sa case doubling rate, ang critical care capacity ang isa sa mga pinagbabatayan ng quarantine classification.
Sinabi ni Roque na ang critical care utilization ay dapat mababa sa dangerous level na 70%.
Mula nitong August 17, aabot sa 71% ng 3,700 isolation beds sa Metro Manila ang okupado, 81% ng 17,000 ward beds at 70% ng Intensive Care Unit beds ang ginagamit.