Aapela ang mga Metro Manila Mayor sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na ikonsidera ang desisyong muling buksan ang traditional cinemas sa mga lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Metro Manila Council Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, nakausap na niya si Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos at ipaparating nila sa IATF ang kanilang reservation o manipesto tungkol sa muling pagbubukas ng mga sinehan.
Giit ng alkalde, walang maayos na konsultasyon tungkol sa specifics ng sinehan lalo na’t maituturing na “high risk” sa pagkalat ng virus ang mga enclosed na lugar tulad ng mga sinehan na mahigit isang oras na mananatili ang mga tao.
Simula sa Lunes, Feb 15, 2021, pinayagan na ng IATF ang pagbubukas ng mga traditional cinemas sa GCQ areas, batay sa inilabas na guidelines ng Department of Health at Local Government Units.
Bukod dito, pinayagan na rin ng IATF ang 50% na capacity sa mga religious gatherings at pagbubukas ng mga driving schools; mga arcade; libraries, archives, museums at cultural centers; meetings, incentives conferences at exhibitions; limited social events; accredited establishments ng Department of Tourism; at tourist attractions tulad ng mga theme parks, natural sites at historical landmarks.