Ipinapanukala ng mga alkalde sa Metro Manila na luwagan na ang lockdown restrictions sa rehiyon pagtapos ng May 31.
Ayon kay Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, handa na ang Metro Manila na sumailalim sa General Community Quarantine (GCQ).
Base aniya sa ulat ng kanilang City Health Offices (CHO), halos nagfa-flatten o bumababa na ang naitatalang kaso ng virus sa mga lungsod sa nakalipas na 10 araw.
Makakatulong din aniya ang pagpapaluwag sa quarantine restrictions para mabuksan ang ekonomiya.
Pinaburan ito nina Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at Navotas Mayor Toby Tiangco na ngayo’y naghahanda na para sa GCQ.
Pero para kay San Juan City Mayor Francis Zamora, mainam na palawigin pa ng dalawang linggo ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) para makita kung napanatili na ang downward trend ng COVID-19 cases.
Samantala, nakatakdang magpulong ang MMC sa Miyerkules, May 27, para bumuo ng rekomendasyon hinggil sa posibleng pagpapaluwag o pagpapanatili ng kasalukuyang quarantine restrictions sa National Capital Region (NCR).