Muling nagpaalala ang mga alkalde sa Metro Manila sa kahalagahan ng pagsusuot ng face mask kung lalabas ng bahay.
Kasunod na rin ito ng pananatili sa General Community Quarantine (GCQ) ng National Capital Region (NCR).
Giit ng mga alkalde, may karampatang multa para sa mga hindi sumusunod sa ipinapatupad na health protocol.
Una nang naglabas ang Muntinlupa City ng bagong ordinansa kung saan ang mahuhuling walang face mask ay pagmumultahin ng ₱300 sa first offense, ₱500 sa second offense, at ₱1,000 sa third offense.
Sa Parañaque, ₱1,000 o anim na oras na pagkakakulong ang parusa sa first offense habang ₱2,000 naman sa second offense o siyam na oras na detention.
Kapag umabot naman sa tatlo ang offense ay pagmumultahin ang mga violators ng ₱3,000 o kalahating araw na detention.
Habang sa Pasay at Maynila ay pagmumultahin naman ng ₱1,000 hanggang P5,000.
Gayundin sa Makati na may kasama pang anim na buwang pagkakakulong.
Paliwanag ng mga alkalde, kailangan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa lalo na’t dumarami ang kaso ng COVID-19 sa bansa.