Nagkasundo ang mga alkalde sa Metro Manila na isara muli ang mga sinehan at amusement arcades kasunod ng muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, nakakaalarma ang muling pagtaas ng COVID-19 cases nitong nakalipas na dalawang linggo.
Katunayan, nasa 89% na o halos mapupuno na ang quarantine area sa Oplan Kalinga ng Department of Tourism at MMDA.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Abalos ang kahalagahan na mag-back to basic at sumunod sa minimum health protocol gaya ng pagsusuot ng facemask at face shield, paghuhugas ng kamay at pagsunod sa social distancing.
Dapat din aniya na may mga safety officers na palaging umiikot para siguraduhing sumusunod ang lahat sa health standards.
Samantala, nanawagan din si Health Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega na higpitan pa ang implementasyon ng minimum health protocols para maiwasan ang pagkalat ng virus lalo ngayong pinayagan nang magbukas ang mas maraming negosyo.
Aniya, ang mahigit 3,000 bagong kaso ng COVID-19 ay kalahati na ng 5,000 bagong kasong naitala noong August 2020 na siyang pinakamataas na naitalang daily increase sa bansa.
Kahapon nang makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 3,439 na bagong kaso dahilan para sumampa sa 591,138 ang kabuuang kaso ng ng COVID-19 sa Pilipinas.
Nasa 43,323 naman ang aktibong kaso ng sakit.