Sisimulan na bukas ang pamamahagi ng ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo na apektado ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Pateros Mayor Ike Ponce na noong nakaraang Biyernes pa nailipat sa kanila ang pondo pero kinakailangan muna nilang ayusin ang mga listahan ng mga makakatanggap ng ayuda.
Kaugnay niyan, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na updated na ang kanilang listahan lalo na’t posibleng maraming mga benepisyaryo nila noon ang mga nagsiuwian na sa iba’t ibang mga probinsya.
Nakahanda naman aniya ang kanilang grievance committee sa posibleng pagdagsa ng mga hindi nakasama sa listahan na bagong lipat sa lungsod o yung ngayon lamang naapektuhan ng lockdown pero kwalipikadong makatanggap.
Samantala, nagpaalala si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa mga benepisyaryo ng lungsod na huwag basta na lamang magpunta sa mga distribution centers kung wala pang natatanggap na text mula sa LGU.
Malaking hamon ngayon para sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang pamamahagi ng ayuda dahil sa banta ng mas nakakahawang COVID-19 Delta variant.