Nasungkit ng Metro Manila ang ika-walong pwesto sa mga lugar sa mundo na may pinakamatinding trapiko.
Batay ito sa pag-aaral ng insurance technology startup na “Go Shorty” kung saan kahanay rito ang Tokyo, Japan at Tel Aviv sa Israel.
Lumalabas na nasa 43% ang congestion level sa kalakhang Maynila habang nasa 98 na oras ang nauubos na oras ng mga motorista para sa traffic kada taon.
Maliban sa pasaning dala ng trapiko sa motorista at commuter ay may hindi rin magandang epekto ang mabagal na daloy ng trapiko sa mga sasakyan.
Ayon kay Automobile Association of the Philippines (AAP) Trustee Atty. Roberto Consunji, nagdudulot ng pagkasira sa makina ng sasakyan ang pag-stop and go na trapiko sa Metro Manila.
Bagamat wala pang kumento ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa nabanggit na pag-aaral ay lumalabas sa datos nila na tumaas ang dami ng sasakyan na bumabagtas sa EDSA simula nang bumalik ang face-to-face classes.
Ayon sa MMDA, nasa 381,028 ang dami ng sasakyan sa EDSA noong August 18 at nitong September 1 lamang ay pumalo agad ito sa 410,844.