Malapit nang mailagay sa Alert Level 1 ang Metro Manila matapos ang patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing III, papunta na ang momentum ng National Capital Region (NCR) patungo sa Alert Level 1 kung saan ‘back to normal’ na ang lahat.
Kabilang na rito ang maximum capacity at pwede na ring magsama ang fully vaccinated at hindi pero dapat pa ring ipatupad ang physical distancing, pagsusuot ng facemask at madalas na paghuhugas ng kamay.
Sinabi ni Densing na tanging Metro Manila pa lang sa bansa ang pasok na kategorya na Alert Level 1.
Bukod sa mababa na ang kaso ng COVID-19, bakunado na ang 70% target population, mga senior citizen at may comorbidities.
Samantala, sa Huwebes ay inaasahang iaanunsyo na ang desisyon ng Inter-Agency Task Force kaugnay sa usapin kung mandatory pa rin ang pagsusuot ng face shield.