May posibilidad na manatili pa rin sa General Community Quarantine (GCQ) ang status ng Metro Manila hanggang matapos ang kasalukuyang buwan.
Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 331 ‘fresh’ COVID-19 cases at 248 ‘late’ cases sa bansa as of June 8, 2020.
Ayon kay Roque, kung patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay malamang na hindi muna ito isailalim sa Modified GCQ pagsapit ng June 16, 2020.
Babala pa nito, posible ding bumalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila kung iiksi ang case doubling rate at kung hindi sasapat ang health care facilities para tugunan ang mga tinamaan ng virus.
Samantala, nakatakdang makipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Huwebes sa kanyang hometown sa Davao City upang desisyunan ang panibagong quarantine protocols pagsapit ng June 16, 2020.