Nakakaranas ng kakapusan sa malinis na tubig ang National Capital Region, Region 3 at Calabarzon.
Ito ang binigyang-diin ni Ramon “Dondi” Alikpala, dating administrator ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System at dating pinuno ng National Water Resources Board, batay sa United Nations Standards.
Ayon kay Alikpala, nakakaranas ng “highest level of clean water scarcity” ang mga pamilya sa Metro Manila, dalawang rehiyon sa Central Luzon at Region 4A.
Batay aniya sa UN threshold, itinuturing ng “absolute scarcity” kung nasa 500 cubic meters lang ang supply ng malinis na tubig ang natatanggap kada taon ng isang indibidwal.
Habang bahagyang kakapusan ang nararanasan kung nasa 1,000 cubic meter per person lang kada taon at itinuturing naman na water stress kung less than 1,700 cubic meter ang natatanggap kada taon.
Pero giit ni Alikpala, paunti ng paunti ang natatanggap na supply ng malinis na tubig ng kada indibidwal sa NCR, Central Luzon at Calabarzon.
Ito ay dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng populasyon sa mga nasabing lugar habang pababa ng pababa ang volume ng tubig.
Bukod dito, nasa 54.1 percent ng pamilya Pilipino lang ang may koneksyon ng tubig sa kanilang mga tahanan.
Ipinunto ni Alikpala na ang kakulangan sa malinis na suplay ng tubig ay may epekto sa economic growth.