Libu-libong trabaho ang inaasahang malilikha sa Metro Manila Subway Project.
Ito ang magandang balitang inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa harap ng maraming bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Tugade, ang proyekto ay makakapagbigay ng 9,000 slots para sa direct hiring at hanggang sa 50,000 para sa indirect employment.
Pagtitiyak ng kalihim na ‘on track’ ang partial operability ng subway project sa katapusan ng 2021.
Bagama’t naantala ang construction activities dahil sa pandemya, naghahabol na sila ngayon sa target.
Ang full operation naman ng kauna-unahang underground mass transport system sa Pilipinas na tinaguriang “Project of the Century” ay sa 2024 o sa 2025.
Kapag natapos na ang proyekto, ang biyahe mula Valenzuela hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ay aabot na lamang hanggang 45-minuto.