Metro Manila Subway Project, makakatanggap pa ng dagdag na pondo sa 2021

Makakatanggap muli ng malaking pondo ang Metro Manila Subway Project para sa 2021.

Ayon kay Committee on Appropriations Vice Chairman Luis Campos, aabot sa P34.6 billion ang pondong ilalaan sa Metro Manila Subway Project bunsod na rin ng pagtaas sa infrastructure spending ng gobyerno para sa mabilis na pagtatayo ng public railways.

Ang nasabing pondo ay dagdag pa sa P11.3 billion noong 2019 para sa kauna-unahang underground commuter train system na tatakbo mula Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.


Sa ilalim pa ng P4.5 trillion na 2021 National Budget, mayroon ding inilaan na P96.2 billion para sa Capital Outlay ng Department of Transportation (DOTr) para sa pagsasaayos ng railway system sa buong Luzon kasama na rito ang 36-km Metro Manila Subway.

Tiwala si Campos na ang hinaharap ng mass transportation ay dependable, mabilis, maayos at ligtas para sa publiko.

Inaasahan nito na sa mga susunod na taon ay 75% ng mga Pilipino ay maninirahan at magtatrabaho sa mga siyudad kaya ang pagtaas ng kapasidad ng train system, ground man ito o elevated structures, ang siyang tugon para sa mabilis na pagkilos at biyahe ng mga tao.

Facebook Comments