Metrobank Tuguegarao Main Branch, Nilooban ng Limang Armadong Kalalakihan na Nagpanggap na Pulis!

Tuguegarao City, Cagayan – Nilooban ng limang armadong kalalakihan na nagpanggap na pulis ang Metrobank Tuguegarao Main Branch, pasado alas otso kagabi sa Luna Street, Corner Blumentrit Street, Tuguegarao City.

Sinabi ni Police Supt. George Cablarda, hepe ng PNP Tuguegarao City na pinag-aaralan pa ng pamunuan nito ang CCTV footage mula sa lugar ng pinangyarihan.

Aniya naka-comouflage at nakabonete ang mga suspek na kumatok sa first floor ng bangko kung saan agad naman silang pinagbuksan ng isang gwardiya dahil sa akalang mga pulis ang mga ito at magsasagawa ng inspeksyon.


Dinis-armahan ang dalawang gwardiya at umakyat ang mga suspek sa second floor na nagkataon na nagbibilang ng pera ang mga teller at tinutukan sila ng baril.

Tinangay ng mga kawatan ang sinasabing mahigit sa Php35 milyong piso  na umanoy inilagay sa apat na sako bagamat hindi pa ito makumpirma ng PNP Tuguegarao City.

Naghagis umano ang mga suspek ng laruang granada bago tumakas sakay ng isang puting Toyota Grandia Van na papuntang Isabela.

 






Facebook Comments