METROPOLITAN CATHEDRAL OF ST. JOHN THE EVANGELIST SA DAGUPAN CITY, DINAGSA NG MGA KATOLIKO SA UNANG ARAW NG KUWARESMA

Dinagsa ng mga mananampalataya mula sa Dagupan City at mga kalapit na bayan ang Metropolitan Cathedral of St. John the Evangelist sa Dagupan City para sa unang misa ng paggunita ng Ash Wednesday.

Alas-sais pa lamang ng umaga ay nagtungo na sa simbahan si Leonila, isang deboto at guro mula sa San Fabian, kasama ang kaniyang dalawang anak para makiisa sa paggunita ng Ash Wednesday, na hudyat ng pagsisimula ng kuwaresma.

Para sa kaniya, mahalaga ang panahong ito para humingi ng kapatawaran at gabay mula sa Panginoon.

Isa rin sa mga maagang nagtungo para sa misa ang estudyanteng si John David na bagama’t ilang taon pa lamang nakikiisa sa paggunita ng Ash Wednesday ay may malinaw na dahilan para rito.

Hiling niyang tulungan siya ng Panginoon para baguhin ang mga ugaling hindi nararapat o hindi kaaya-aya.

Kasabay ng Ash Wednesday, nagsisimula rin ang panahon ng pag-aayuno sa mga katoliko tuwing Biyernes hanggang sa pagsapit ng Biyernes Santo o Good Friday.

Sa paniniwalang katoliko, ang paglalagay ng abo ay simbolo ng pagsisisi, pagpapakumbaba, at pagbabalik-loob sa Diyos, bilang paghahanda sa nalalapit na Semana Santa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments