Siniguro ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na magiging transparent at sasailalim sa masusing accountability ang gagawing pag-angkat ng gobyerno ng tone-toneladang asukal.
Ito ang inihayag sa Laging Handa briefing ni SRA Board Member Pablo Azcona sa gitna ng planong pag-iimport ng panibagong may 440,000 metriko toneladang asukal na refined sugar.
Ayon kay Azcona, mayroon silang guidelines na susundin sa gagawing pag-aangkat at kabilang na rito ang pagtukoy sa mga importer na may good standing.
Maliban dito ayon sa opisyal ay magkakaroon din ng tinatawag na performance bond para matiyak na hindi sisira sa kasunduan ang mga importer.
Hahatiin sa tatlong tranches ang import order o dalawang tig-100,000 metric tons at buffer stock na 240,000 metric tons.
Layon ng pag-aangkat na mapababa ang presyo ng asukal para sa kapakanan ng consumers at makakuha rin naman ng patas na presyo ang mga magsasaka.