Mga abaca farmer, apektado sa pagpapalit ng materyal sa paggawa ng banknotes o perang papel ng bansa

Malaki umano ang epekto sa mga abaca farmer ng paggamit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng polymer sa paggawa ng pera.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Federation on Free Farmers Cooperatives (FFFC) Chairman Leonardo Montemayor na malaki ang epekto nito sa mga magsasaka at agricultural sector.

Giit ni Montemayor, tila hindi nasusunod ng BSP ang proseso ng paggawa ng pera dahil batay sa konstitusyon nakasaad na lokal na produkto ang gagamitin sa paggawa ng banknotes.


Bukod sa epekto sa kabuhayan ay mayroon din aniyang psychological effect ang paggamit ng polymer sa banknotes ng bansa.

Sa tala pa ng FFFC, nasa 200 abaca farmers ang apektado ng pagpapalit ng materyales sa perang papel ng bansa.

Samantala, nanindigan naman si BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan na alinsunod sa saligang batas ang ginawa nilang polymer banknote test at inaral din nilang mabuti ang magiging epekto nito sa mga magsasaka.

Katunayan aniya, hindi naman direktang nagsusuplay ng abaca ang mga magsasaka sa BSP para sa paggawa ng cotton abaca banknotes at 2% lang ng kabuuang abaca production ang napunta sa paggawa ng mga perang papel.

Facebook Comments