Mga abandonado at hindi pa bayad na mga balikbayan box, minamadali ng ipamahagi ng BOC sa mga tahanan ng pamilya ng OFWs

Target ngayon ng Bureau of Customs (BOC) na maipadala na agad ang mga nakatenggang balikbayan boxes na ipinadala ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) para sa kanilang pamilya.

Sa isinagawang press conference, tiniyak ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na makakarating sa pamilya ang mga balikbayan bago mag-Pasko.

Aniya, personal na ipapadala ang mga balikbayan box ng libre sa mga tahanan kung saan ang mga nais naman makuha agad ito ay maaaring makipag-ugnayan sa kanila.


Ngayong araw ay personal na sinasakihan ni Commissioner Ruiz ang pagpapadala ng mga abandonado at hindi pa bayad na balikbayan boxes sa Portnet Logistics sa Old Panaderos St., Sta. Ana, Manila.

Nasa 800 na balikbayan boxes ang kanilang ipapadala ngayong araw kung saan walang sisingilin na anumang bayad ang BOC sa mga tatanggap nito.

Payo naman ni Commissioner Ruiz na hintayin lamang ng mga pamilya ng mga OFW ang balikbayan boxes dahil ang pagpapadala nito ay maaaring abutin ng isang linggo kung nakatira sa National Capital Region (NCR).

Isa hanggang dalawang linggo naman sa mga nakatira sa Luzon at dalawa hanggang apat na linggo sa Visayas at Mindanao

Bukod dito, personal na ininspeksyon ni Commissioner Ruiz ang mga balikbayan boxes para masiguro na hindi ito nababawasan o kaya magkaroon ng mga sira.

Facebook Comments