Sumulat na rin kay Pangulong Duterte lahat ng mga abogado at empleyado ng Public Attorney’s Office (PAO) sa buong bansa para hilingin na i-veto ang probisyon sa 2020 General Appropriations Bill na nagbabawal sa ahensya na gamitin ang pondo nito para sa kanilang Forensic Laboratory.
Nanindigan sila sina Albay Cong. Edcel Lagman at Iloilo Congw. Janette Garin ang nasa likod ng pagsusulong ng pagsisingit ng nasabing probisyon sa panukalang pambansang pondo para sa 2020.
Matatandaang si Garin, dating Health Secretary ay kasama sa mga kinasuhan ng PAO kaugnay sa kontrobersyal na Dengvaxia anti-dengue vaccine.
Nakasaad sa liham ng PAO na unconstitutional ang nasabing probisyon dahil nilabag nito ang nakasaad sa 1987 Constitution hinggil sa Due Process.
Nilabag rin anila nito ang Equal Protection clause ng Saligang Batas lalo nat ang Forensic Laboratory ng PAO lang ang hinadlangan gayong ang Commission on Human Rights ay may forensics laboratory rin.
Mistula anilang na-discriminate ang milyon milyong mahihirap na kliyente ng PAO.