Mga abogado ng respondents sa Anti-Terror Act petitions, ginisa sa oral arguments sa Korte Suprema

Sa pagpapatuloy ng oral arguments sa mga petisyon kontra Anti-Terror Law, iginiit ng kampo ng respondents ang kahalagahan ng nasabing batas

Kabilang sa mga sumalang sa interpellation sa ikatlong pagkakataon sina Assistant Solicitor Generals Raymund Regodon at Marissa Dela Cruz- Galandina.

Ayon kay Regodon, ang Anti-Terrorism Law ay isang hakbang ng pamahalaan para protektahan ang mga mamamayan laban sa terorismo.


Sa harap ito ng pangamba ng publiko na posibleng maabuso ang pagpapatupad sa nasabing batas.

Ginisa naman ni Supreme Court Associate Justice Amy Lazaro-Javier ang respondents sa usapin ng sampung araw na extension o pagpapalawig ng detention o pagkakakulong sa mga maaaresto sa ilalim ng Anti-Terrorism Act.

Ito ay lalo na’t sa ilalim ng nasabing batas ay hindi kinakailangang maglabas ng warrant of arrest sa mga aarestuhin na suspected terrorists.

Ayon naman sa respondents, kung ikukumpara sa Anti-Terror Law ng ibang bansa, hindi hamak na mas maikli ang panahon ng detention sa bansa.

Ipinaliwanag din ni ASG Galandines, na may ginagawa na ring hakbang ang gobyerno tulad ng trainings at pagpapalabas ng guidebook para sa law enforcers, gayundin ang primer ng NICA at modules para sa barangay-based program kaugnay ng Anti-Terrorism Law.

Tinalakay rin ang usapin ng warrantless arrest at ang function ng anti-terrorism council gayundin ang usapin ng red-tagging.

Ayon kay Galandines, hindi gawain ng pamahalaan ang red-tagging at ang mga naging pahayag aniya ni Lt. Gen. Antonio Parlade sa usapin ng red-tagging ay personal na opinyon lamang nito at hindi opisyal na pahayag ng pamahalaan.

Facebook Comments