Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na mananagot ang mga abogado ng sinibak na alkalde ng Bamban na si Alice Guo kaugnay sa kaduda-dudang counter affidavit na inihain nito kahit nakaalis na pala siya ng Pilipinas.
Ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty, hindi lamang ang abogadong nag-notaryo sa kontra-salaysay ni Guo ang mananagot kundi ang mga abogado ng dating alkalde na humarap sa preliminary investigation.
Dahil umano sa kontrobersiyal na counter-affidavit kaya napatagal ang pag-usad ng kasong inihain ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Sa ngayon, planong maghain ng kaso ang DOJ sa Korte Suprema laban sa mga abogado ni Guo.
Sinabi pa ni Ty na hindi dapat tinutularan ang mga ganitong galawan ng mga abogado na pagbalewala sa paglilitis na ginagawa ng kagawaran.
Nahaharap si Guo sa reklamong Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act dahil sa kaugnayan sa sinalakay na POGO sa Bamban, Tarlac.
Ngayong linggo, nakatakda namang kasuhan ng PAOCC si Guo at ilan pang indibidwal sa korte sa Capas, Tarlac bago hilingin na ilipat ito sa korte sa Metro Manila.