Mga abogado ni retired Police Colonel Royina Garma, itinanggi ang paratang ni Col. Grijaldo na pinilit siya ng ilang namumuno sa house quad committee na kumpirmahin ang reward system sa drug war

Mariing pinabulaanan ng dalawang abogado ni retired Police Colonel Royina Garma ang alegasyong inihalad sa senate hearing ni P/Col. Hector Grijaldo na pinilit siya ng dalawang namumuno sa House Quad Committee na kumpirmahin ang reward system sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration.

Nakasaad ito sa pahayag nina Atty. Emerito Quilang at Rotciv Cumigad na binasa ni Batangas Representative Gerville Luistro sa ika-sampung pagdinig ng quad committee.

Ayon kina Quilang at Cumigad, nasaksihan nila ng ipatawag si Grijaldo para kausapin ng mga Quad Comm co-chairmen na sina Sta Rosa, Laguna Representative Dan Fernandez at Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr.


Sa liham ay binigyang-diin nina Quilang at Cumigad na walang pagkakataon na nagtangka sina Fernandez at Abante na pwersahin o pilitin si Griijaldo na magsalita o pumirma ng affidavit ukol sa reward system.

Bunsod nito ay hinikayat ni congresswoman Luistro ang Quad Committee na gawin ang nararapat na hakbang upang madisiplina si Grijaldo dahil sa pagsisinungaling sa Senate investigation.

Facebook Comments