Inilabas ng Department of Tourism (DOT) ang updated na listahan ng mga accredited na accommodation establishment sa isla ng Boracay.
Base sa pinakahuling datos, nasa 296 na ang mga establishimento na compliant sa mandato o guidelines na una nang binalangkas ng Boracay Inter-Agency Task Force.
Katumbas ito ng 10,067 na kwarto na maaaring tuluyan ng mga turistang bibisita sa isla.
Una nang sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat na malaking bagay ang ginagawang kooperasyon ng mga establisyimento sa isla, sa pamamagitan ng pagsusumbong ng mga ito kaugnay sa pagiging pasaway ng mga kapwa nila establisyimento.
Ayon sa kalihim, sa oras na mayroong mga accredited establishment na paulit-ulit na magpasaway, hindi aniya sila magdadalawang isip na bawiin ang ipinagkaloob na accreditation.