Umaasa si Senate Minority Leader Koko Pimentel na sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos sa July 22 ay mga achievements o mga nagawa na sa nakalipas na dalawang taon ang maririnig mula sa presidente.
Ayon kay Pimentel, pangatlong SONA na ito ng pangulo kaya dapat mga achievements na ang dapat na marinig ng taumbayan mula sa kanya.
Kabilang sa nais marinig ng senador ang mga resulta mula sa mga ahensyang binigyan ng malalaking pondo.
Partikular na aniya rito ang sektor ng agrikultura tulad ng presyo ng bilihin, pagkain lalo na ang bigas at ang update sa pabahay mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Dagdag pa rito ay nais ni Pimentel na masorpresa rin tayo na may ianunsyo si Pangulong Marcos tungkol sa pagpapahinto ng operasyon ng mga POGO sa bansa.
Naniniwala si Pimentel na kapag ipinagbawal na ang POGO sa bansa ay makapagbibigay ito ng tunay na pagbabago sa kalagayan at itsura ng Pilipinas.