
Hindi pa maituturing na isang verified complaint para magbukas ng formal proceedings ang inihaing pinagsama-samang affidavit of complaint ng 18 ex-Marines na nag-akusa sa may 30 opisyal na dineliberan nila ng male-maletang pera mula kay Zaldy Co.
Sa isang statement sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang ginawang paghahain kanina ni Atty. Levito Baligod ay maituturing pa lang na transmittal ng affidavit .
Ani Clavano, dadaan pa rin ang mga dokumento ito sa standard evaluation process.
Kabilang dito ang pagdetermina sa sufficiency in form and substance, jurisdiction, at ang pagkakaroon ng prima facie basis ng mga alegasyon.
Hindi rin lang umano ang mga nilalaman ng mga alegasyon ang sasailalim sa assessment kundi maging ang kredibilidad ng mga nag-aakusa.
Giit ng assistant Ombudsman, dahil sa napakarami ng mga personalidad na isinasangkot sa alegasyon at dahil itinaon ang paglalabas nito sa panahong gumugulong ang ICC investigation kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi umano papayag ang Office of the Ombudsman na magamit bilang isang political arena.
Nananatili umano ang Ombudsman na isang independyenteng constitutional body na nakabatay sa ebidensya, sa umiiral na batas at sa due process.










