Mga AFP commander, pinaalalahanang may pitong buwan pang nalalabi para tapusin ang armadong pakikipabaka ng NPA

Pinaalalahanan ng bagong Armed Forces of The Philippines (AFP) Chief of Staff na si Lt. Gen. Andres Centino ang mga senior military commander kaugnay sa utos sa kanila ng Pangulong Duterte na tapusin ang armadong pakikibaka bago magwakas ang kanyang termino.

Ang paalala ay ginawa ni Lt. Gen. Centino sa kanyang unang Command Conference nitong Sabado sa AFP Commissioned Officers Club sa Camp Aguinaldo.

Binigyang diin ng AFP Chief na kailangang palakasin pa ang kampanya laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at iba pang mga armadong grupo sa susunod na 7 buwan para makamit ang tagumpay bago bumaba sa pwesto ang Pangulo.


Binati naman ni Centino ang mga commanders sa matagumpay na kampanya kontra sa mga komunista at local terrorist groups sa mga nakalipas na buwan, at sinabing kailangan lang itong mapanatili.

Aniya pa, para makamit ito, bibigyan niya ng prayoridad ang “operational efficiency”, mahusay na pag-gamit ng resources, pagsulong ng professionalism at meritocracy at pagpapaunlad ng kapabilidad ng militar.

Facebook Comments