Manila, Philippines – Napagkasunduan ng Committee for the Special Protection of Children ang mungkahi ng kinatawan ng Department of Justice (DOJ) na siguraduhin ang kaligtasan ng mga kabataan laban sa mga online content na posible nilang ikapahamak.
Iyan ay matapos ang kanilang pagpupulong noong nakaraang araw ng Biyernes sa tanggapan ng National Telecommunications (NTC) office na ang layunin ay agad na resolbahin ang kumakalat ngayong “momo challenge” na isa umanong viral online suicide challenge na ang target ay mga bata at mga menor de edad.
Sa panig ng PNP, sinabi nilang wala pang reklamo na idinudulog o isinampa sa kanilang tanggapan at wala pang URL o web page na natutukoy hinggil sa naturang challenge.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology Secretary Eliseo Rio, pumayag na ang Facebook na i-block ang FB pages na nagpo-promote ng momo challenge at iba pang mga kahalintulad na propaganda.
Sinabi ni Rio na may kapangyarihan din ang publiko na tuldukan ang ‘momo’ sa pamamagitan ng pag-report sa consumer@ntc.gov.ph ng anumang kaduda-dudang mga website na nagpapakalat ng suicide challenges, harassment at iba pang harmful content.
Nangako ang NTC na agad nilang aatasan ang internet service providers na agad na i-block ang mga kahina-hinalang URL’s.
May iba pa aniyang opsyon ang publiko at iyan ay sa pagtawag sa hotline ng PNP na 414-1560 o bisitahin ang pinakamalapit na Regional Anti-Cybercrime Unit o police station para i-report ang anumang insidente may kaugnayan sa momo challenge.
Sa kasalukuyan ay sama-sama ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno sa pinaigting na information campaign on digital parenting.
Utos ng NTC sa mga internet service providers, agad na i-block ang mga kahina-hinalang web pages.