Pinakikilos ni Senator Sherwin Gatchalian ang buong energy industry para sa mabilis na pagbabalik ng operasyon ng mga power-generating plants.
Sa gitna pa rin ito ng patuloy na pagdedeklara ng red at yellow alert status sa maraming lugar sa bansa dahil sa kakapusan sa suplay ng kuryente.
Giit ni Gatchalian, kinakailangang maitaas na ang kapasidad sa bansa kung ang nais ay makamit ang ating mga economic growth targets.
Inaatasan ng senador ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na magpakita na ng determinasyon na solusyunan ang isyu sa kuryente sa pamamagitan ng pagpapaimbestiga sa mga hindi planado at forced outages at pagpaparusa sa mga power-generating plants na posibleng may paglabag.
Pinatitiyak din ang pagsasagawa ng cloud seeding operation para agad maibalik ang operasyon ng mga hydroelectric plants.
Hiniling din ni Gatchalian na paigtingin ang ancillary services ng mga industry stakeholders upang maibsan ang epekto ng singil sa kuryente bunsod ng mga plant outages at madaliin ang pagdadagdag ng bagong capacity.