
Hinimok ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang mga ahensya ng gobyerno na manatiling alerto sa gitna ng paghupa ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon kay Estrada, sa kabila nang ipinapatupad na ceasefire ngayon ay kailangang manatiling mapagmatyag sa sitwasyon ang pamahalaan.
Partikular na pinakikilos ng senador ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at Philippine embassies sa Israel at Iran na patuloy na makipag-ugnayan at aktibong bantayan ang sitwasyon.
Iginiit ni Estrada na kailangang tiyakin na ligtas anumang oras at may safe corridors o evacuation routes na maaasahan ang ating mga kababayan sakaling sumiklab muli ang gulo sa Gitnang Silangan.
Naniniwala si Estrada na ang ceasefire ay isang mahalagang hakbang tungo sa tuluyang paghupa ng sitwasyon at pagbibigay pag-asa sa dalawang bansa na magkaroon ng common ground sa halip na makipag-gyera.









