Ikinalugod ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st district Rep. Jay Khonghun ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na paigtingin ang laban kontra smuggling ng tobacco at vape products.
Bunsod nito ay kinalampag ni Khonghun ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Departments of Finance (DOF) at Department of Trade and Industry (DTI) para tulungan si Pangulong Marcos na masugpo ang smuggling.
Binigyang diin ni Khonhun na marapat lamang ang kautusan ni Pangulong Marcos para mabigyan ng proteksyon ang kalusugan ng publiko at matiyak na nasusunod ang batas.
Iginiit din ni Khonghun na ang pagpupuslit ng tabaco at vape ay may epekto rin sa mga lehitimong negosyo at sa kita ng pamahalaan habang ang smuggling ay isang malaking banta sa ekonomiya ng bansa.
Kaugnay nito ay binanggit naman ni Khonghun ang pangako ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na puksain ang lahat ng uri ng smuggling lalo na sa produktong agrikultural na tinututukan din ngayon ng Kamara.