Mga ahensya ng gobyerno na naghahatid ng disaster assistance sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses, minomonitor ng ARTA

Binabantayan ngayon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang lahat ng ahensya ng nagbibigay ng relief assistance sa mga lugar na sinalanta ng sunod-sunod na bagyo.

Sinabi ni ARTA Director General Atty. Jeremiah Belgica na dapat pabilisin ang paghahatid ng financial assistance.

Hindi na dapat aniya na pinahihirapan ang taumbayan sa paghingi ng tulong mula sa gobyerno lalo pa at bagsak ang moral at kabuhayan ng mga ito.


Bawasan din aniya ang mga dokumento na hihingiin sa mga lumalapit sa pamahalaan upang mabilis na maibigay ang disaster assistance sa mga nangangailangan.

Giit ni Belgica, sa panahon ng pandemya at kalamidad, mas makabubuting ang mga ahensya ng pamahalaan ang mag-adjust upang maramdaman ng taumbayan na may gobyerno na handang tumulong at kumalinga sa mga nangangailangan.

Kabilang sa mga tinukoy ng ARTA ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Housing Urban Development and Coordinating Center, Department of Agriculture (DA), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at iba pang ahensya na may mandatong magbigay ng agarang tulong sa publiko.

Facebook Comments