Mga ahensya ng gobyerno, nagturuan hinggil sa mababang produksyon ng asin sa bansa

Nagturuan ngayon ang mga ahensya ng gobyerno patungkol sa mababang produksyon ng asin sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food patungkol sa pagpapalakas ng salt industry, napuna ni Committee Chairman Senator Cynthia Villar ang pagbaba ng produksyon ng asin na nasa 42,000 metriko tonelada na lamang ngayon at malayo ito sa 240,000 metriko toneladang naipo-produce na asin ng bansa noong 1960s at 1970s.

Ang kasalukuyang produksyon ay katumbas lamang ng 7% ng demand sa asin at 15% lang sa dating naipo-produce ng bansa.


Sa pagdinig, sinabi ni DA-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Officer-in-Charge Director Demosthenes Escoto na hindi ang Department of Agriculture (DA) ang in-charge sa salt industry gayundin sa pag-regulate ng salt industry sa bansa.

Maging ang Food and Drug Administration (FDA) at ibang ahensya na imbitado sa pagdinig ay hindi rin masagot kung sino ang dapat na nangangasiwa sa industriya ng pag-aasin.

Bukod dito, natuklasan na marami sa mga salt farmers ang tumigil na sa produksyon ng asin dahil walang kakayanan na gawing iodized salt ang asin para makasunod sa batas na Republic Act 8172 kung saan ang lahat ng asin na para sa consumption ng mga tao ay dapat iodized salt na.

Napuna naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na 93% ng asin sa bansa ay ini-import pa, ibig sabihin ay may demand sa asin ngunit ang Pilipinas na sagana sana nito ay walang sapat na produksyon.

Aminado rin ang mga ahensya na wala silang sapat na kapabilidad para sa tamang procedures ng proseso ng iodization ng asin.

Dismayado naman si Senator Nancy Binay dahil mistulang wala ni isang ahensya ng gobyerno ang nakasasaklaw sa industriya ng asin sa bansa.

Facebook Comments