Hinimok ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang mga ahensya ng gobyerno na kumilos na para kumbinsihin ang kanilang mga empleyado na magpabakuna kontra COVID-19.
Ito ay kaugnay na rin sa pagdinig ng Committee on Social Services matapos maungkat ang isinagawang survey ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 1,000 empleyado nito kung saan lumabas na 35% lamang ang gustong magpaturok ng COVID-19 vaccine, 52% ang undecided, at ang natitirang iba pa ay ayaw magpabakuna.
Ayon kay Vargas, kailangang magtulungan ang mga ahensya ng gobyerno na maipaliwanag sa mga tao ang kahalagahan ng bakuna lalo na sa mga nasa frontline services na direktang nakikisalamuha sa mga tao.
Mahalaga rin aniya na ang kumpyansa sa bakuna ay makita sa mga nasa pamahalaan.
Sinabi naman ng DSWD sa pagdinig na pinaigting na nito ang pag-promote sa vaccination program gamit ang information materials mula sa Department of Health (DOH).