Muling hinimok ni Vice President Leni Robredo ang mga ahensya ng gobyerno na mag-usap muna bago mag-anunsyo hinggil sa mga paiiraling polisiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na dapat maging maingat ang lahat sa pagsasalita para hindi magdulot ng kalituhan at panic sa publiko.
“Pag nako-compromise yung kalusugan ng tao dapat maingat tayo sa sinasabi natin, kasi kapag nag-cause siya ng panic, iba yung pag-respond ng tao e,” ani Robredo.
“Sana mag-usap-usap muna lahat bago gumawa ng announcement. Kapag iba-ibang ahensya ng gobyerno ang gumagawa ng announcement tapos iba-iba yung announcement, lalo lang siyang nakakadala ng kalituhan sa tao.”
Payo ng bise presidente, ipaubaya sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang paglalabas ng mga anunsyo.
“Dapat bawal mag-announce ng anything na hindi pinag-usapan ng maayos ng lahat ng mga key people kasi may IATF naman di ba? Lahat naman ng mga relevant agencies, kabahagi ng IATF e, so dapat yung announcement ng IATF, yun na yun,” dagdag ni Robredo.
Samantala, umaasa din ang pangalawang pangulo na hindi masasayang ang dalawang linggong lockdown sa Metro Manila para mapababa ang kaso ng COVID-19.